
Gusto kong magwala
Gusto kong magmura
Pero wala rin naman iyong magagawa
Dahil hindi na niyon maibabalik ang lahat na nawala
Binigay niya sa’tin lahat ng kailangan natin- libre
Mula sa hangin na sariwa noong una, ngunit ating dinumihan
Sa mga puno na sagana, ngunit ating pinutol at pinagkakitaan
Sa tubig na malinaw at nag-uumapaw ngunit ating pinabayaan
Hanggang siya ay napagod;
Hindi na kinaya ang kababuyang dala ng mga sakim na tao
Tapon dito, tapon doon- hindi man lamang inisip ang epekto niyon
Ngayon ay gumaganti na siya, ibinabalik na sa atin ang mga kalapastanganang nagawa
Kumusta naman?
Nakakapanginig ba ng kalamnan?
Lumingon ka! Tingnan mo ang iyong kapaligiran
Nagugustuhan mo ba ang iyong nakikita?
Basura, napakaraming basura na sa sobrang dami kaya ka nang lunurin at ika’y mawawala
Napakainit na ng panahon, na kahit alas syete pa lang ng umaga, nagluluto ka pa lang ng almusal, luto ka na rin
Mausok, na aakalain mong isang lugar para sa mga nagtitinda ng inihaw
Putik, maduming tubig sa tuwing umuulan- dahil senemento na lahat ng daan at wala ng mga punong makakapitan
Nakakapanghinayang hindi ba?
Ano ba ang ating mga nagawa?
Tila ba tayo’y nabigo sa pag-aalaga sa kaniya
Sumobra yata tayo, naging abusado;
Nagkulang din tayo, nagkulang na tingnan ang kalagayan niya, ni hindi natin naisip na isang araw pwede siyang maubos, masira at tuluyan
nang mawala
Sa lahat nang nangyayari ngayon, nagising na ba tayo?
Dapat magising na tayo!
Itong mundo lamang na ito ang ating natatanging tirahan
Kung makakapagsalita lamang ang Inang Kalikasan, marahil siya ay nagmamakaawa na’t nagsusumamo
Kapwa ko naninirahan sa mundong ito; umaksyon na tayo
Hindi pa naman siguro huli ang lahat upang ang mga mali ay ating itama
At unahin naman ang kapakanan ng mundo
Huwag nang magtulakan sa kung sino ang may pananagutan
Tayong lahat ay responsable sa nasabing kapabayaan
Ang magagawa lamang natin ngayon ay ang magtulungan
Magkaroon ng displina, pananagutan at pagmamahal sa ating kalikasan